Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mayroong ilang alkalde na sangkot sa ilang iligal na operasyon ng pagmimina at pagtotroso na siyang dahilan ng malawakang pagbaha sa ilan lugar sa bansa nitong nagdaang mga bagyo.
Nilinaw naman ni Año hindi naman lahat ay nakikinabang o kasabwat talaga ngunit alam aniya ng mga ito ang mga nangyayaring iligal na pagmimina at pagtotroso.
Inihalimbawa pa nito ang posibleng pagtanggap ng mga opisyal ng pera mula sa mga illegal mining at logging na ginagamit naman ang pondo sa kanilang mga kampanya.
Dahil dito, iginigiit ng kalihim na dapat maparusahan ang lahat ng masasangkot sa iligal na pagmimina at pagtotroso maging pulitiko man ito o may katungkulan sa gobyerno.
Hinihimok din ni Año ang mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha kamakailan na maging matalino sa pagboto sa mga lokal na opisyal at dapat na wala umanong bahid na koneksyon ang mga ito sa anomang iligal na gawain.