Sinuspinde na ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang ilang tauhan ng City Task Force na sangkot sa marahas na pag-aresto sa isang vendor sa kalagitnaan ng clearing operasyon noong Biyernes.
Magugunitang nag viral sa social media ang video ng ginawang pag-aresto ng Parañaque Task Force sa isang vendor na si Warren Villanueva kung saan ayaw nitong ibigay ang kanyang kariton.
Makikita ang limang tauhan ng Parañaque Task Force na nagtulong-tulong na posasan si Villanueva habang ang isa pa sa mga ito ay sinipa sa mukha ang vendor.
Ayon kay Mayor Olivarez, posibleng masibak sa serbisyo ang mga ito kapag napatunayang mayroong harassment at kalabisan nang ikasa nila ang operasyon.
Aniya, hindi rin sinunod ng mga tauhan ng City Task Force ang kanilang protocol kung saan dapat na binibigyan muna ng notice ang mga vendors.
Bukod dito, hindi rin aniya dapat kinukuha ng task force ang mga paninda at sana’y kinausap muna ang mga vendors upang hindi magkaroon ng kaguluhan.
Nabatid naman na bukod kay Villanueva ay may ilang vendors rin umano ang nagrereklamo hinggil sa marahas na pagpapatupad ng task force sa clearing operation sa lungsod.