Hindi kumbinsido ang ilang mga senador sa ulat ng Department of Health (DOH) na ‘flatten’ na ang curve ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, kataka-taka ang naging pahayag ni Health Secretary Francisco Duque na na-flatten na ang curve ng kaso ng COVID-19 sa bansa at nagsisimula na ang second wave ng kaso nito.
Aniya, imposibleng ma-flatten ang curve ng COVID-19 gayong hindi pa naman bumabagsak ang naitatalang kaso ng nabanggit na virus sa bansa araw-araw.
Sinabi ni Duque na na-flatten na ang curve ng COVID-19 sa bansa dahil mula aniya sa pinakamataas na 500 kasong naitala sa isang araw ay bumagsak na lamang ito at nanatili sa 200 kaso kada araw.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Senadora Risa Hontiveros na dapat ibatay ng Department of Health (DOH) ang naturang isyu sa mga mapagkakatiwalaang datos at impormasyon.
Sinabi naman ni Pangilinan, kaduda-duda rin ang pahayag ng DOH na bumaba na ang kaso ng COVID-19 ngayon na mismong si COVID-19 Testing Czar Vince Dizon na ang nagsabi na nasa 7,000 ang backlog ng DOH.