Ginugunita ngayong araw ang ika-sampung anibersaryo ng malagim na Maguindanao Massacre.
Sampung taong matapos ang karumal-dumal na krimen, hustisya pa rin ang panawagan ng mga kaanak ng biktima dahil matapos ang isang dekada ay wala pa ring nahahatulan sa kaso.
Matatandaang, Nobyembre 23 taong 2009 ng maganap ang karumal-dumal na maramihang pagpaslang kung saan 58 katao ang walang awang pinaslang at inilibing gamit ang backhoe, kung saan 32 sa mga ito ang miyembro ng media habang kabilang din sa mga nasawi ang asawa, kapatid at ilang taga-suporta ni Cong. Esmael Toto Mangudadatu sa Ampatuan, Maguindanao.
Ayon kay Ivy Oreda, kaanak ng isa sa mga napaslang, panahon na para mapanagot sa krimen ang mga itinuturong mastermind na sina dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. at dating datu unsay mayor Andala Ampatuan Jr.
Nabatid naman na noong November 20 sana nakatakda ang paglalabas ng desisyon sa kaso ngunit humingi pa ng dagdag na isang buwan si Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes at pinayagan naman ito ng Korte Suprema.
NUJP inalala ang mga biktima ng Maguindanao Massacre
Inalala ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) ang mga biktima ng Maguindanao Massacre sa ika-sampung taong anibersaryo ng nabanggit na malagim na krimen ngayong araw.
Kasama ang iba pang grupo, muling nananawagan ng husitiya ang NUJP para sa mga biktima.
Sinimulan ng NUJP ang kanilang programa sa Mehan Garden sa Manila kaninang ala 5:00 ng umaga.
Sinundan naman ito ng pagpipinta ng isang mural ng mga miyembro ng Concerned Artists of the Philippines bilang pag-alala sa mga biktima ng Maguindanao Massacre.
Ayon naman sa College Editors’ Guild of the Philippines, mananatili ang mural hanggang sa promulgasyon ng korte sa kaso sa susunod na buwan.
Matapos ito, nagmartsa na patungong Mendiola ang iba’t ibang grupo kung saan sila nagsagawa ng programa at isinabit sa kalsada ang larawan ng 58 biktima ng karumal-dumal na krimen. — Contributor: Krista De Dios