Matapos ang pitong taon, mailap pa rin ang hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao massacre at kanilang mga kaanak.
Ayon sa Network Against Killings in the Philippines o NAK-Philippines, mahalaga ang paggunita sa pagkamatay ng mahigit 50 biktima ng masaker bunsod na rin ng umano’y mga nangyayaring extrajudicial killings sa bansa.
Batay sa rekord ng korte, mahigit 100 na sa halos 200 akusado ang naaresto at karamihan sa kanila’y nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City at PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Subalit, sa sobrang dami ng mga suspek, wala pang naibababa ni isang desisyon ang hukuman sa nasabing multiple murder case.
Matatandaang naglunsad na rin ang grupo ng kampanya laban sa summary executions sa Baclaran Redemptorist Church sa pangunguna ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
Ang Maguindanao massacre ay itinuturing na pinakamalagim na krimen sa kasaysayan ng bansa na may kinalaman sa pulitika.
Noong Nobyembre 23, 2009, walang awang pinagbabaril ang 58 sibilyan kung saan mahigit 30 sa mga ito ay mamamahayag.
Justice
Nanawagan na si Ozamiz Bishop Martin Jumoad sa Quezon City Regional Trial Court Branch 221 na maglabas na ng desisyon sa 2009 Maguindanao massacre case.
Ayon kay Jumoad, hindi na biro ang pitong taong paghihintay ng mga kaanak ng mga biktima dahil matinding pasakit na idinulot nito.
Umaasa anya sila na dedesisyunan na ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ang kaso lalo’t mahigit 100 akusado na ang nilitis kabilang si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., na namatay habang nakapiit.
Magugunitang inihayag ni Reyes na umaasa rin siya na madedesisyunan ang kaso bago magtapos ang termino ng noo’y Pangulo na si Noynoy Aquino.
By Jelbert Perdez