Sang-ayon si House Impeachment Prosecutor Spokeman Atty. Antonio Audie Bucoy sa pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na posibleng nagkaroon ng pag-abuso ang senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay sa paghawak sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Bucoy, ang kaniyang pagpabor sa pahayag ni dating Chief Justice Puno ay nakabase sa konstitusyon dahil aniya ang mga naging aksyon at desisyon ni SP Escudero, bilang presiding officer ng Impeachment Court ay wala sa Saligang Batas.
Partikular na ang pag-remand o pagpapabalik sa kamara ng articles of impeachment ng Senado.
Paliwanag ni Atty. Bucoy, ang pag-remand ay maaari lang gawin sa mababang korte at hindi angkop sa Impeachment Court.
Sa kasalukuyan, isinasailalim na aniya ng mga law experts sa pagsusuri ang mga kilos ng Senado, kabilang na ang Philippine Constitution Association (PHILCONSA) kung siya ang chairman.
—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)