Umakyat na sa 22,522 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang napalaya ngayong kasagsagan ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni Chief Justice Diosdado Peralta kasunod ng pahayag nito na napalaya ang mga naturang PDLs sa pamamagitan ng serye ng video conferencing hearings.
Aniya, pagkatapos ng mga ginagawang pagdinig, ang mga PDLs ay pinapalaya matapos makapagpiyansa o di kaya’y nakapagsilbi na ng minimum imposable penalty para sa krimen.
Magugunitang nagpalabas si Peralta ng circular na naglalayong gawin ang pagdinig ng mga korte sa pamamagitan ng video conferencing ngayong may community quarantine.
Tinatayang aabot naman sa 1,350 ang trial courts sa buong Pilipinas na pinayagang makapagsagawa ng pilot test para sa video conferencing sa mga kaso ng PDLs.