Patuloy na nakakaapekto sa buong Pilipinas ang northeast monsoon o amihan.
Dahil dito makakaranas ng mahihinang pag-ulan ngayong araw sa Cagayan Valley, Cordillera, Bicol Region at maging sa lalawigan ng Aurora, Quezon.
Ayon sa PAGASA, magiging maaliwalas naman ang lagay ng panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Inaasahan ring maganda ang panahon sa kabisayaan maliban sa Samar at Leyte na makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan.
Samantala, mainit at maalinsangan naman ang mararanasan sa Mindanao.
Pinapayuhan naman ng PAGASA ang mga mangingisda na may maliliit na sasakyang pandagat na delikadong maglayag sa hilaga at silangang baybayin ng bansa.