Patuloy na mamayagpag ang paglapastangan sa mga karapatan ng Pilipino matapos na mabigyan ng absolute pardon si U.S. Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ito ang tahasang naging pahayag ni Atty. Virginia Suarez kung saan sinabi nito na ang pagbibigay ng pardon kay Pemberton ay pagpapakita ng subserviency o ang pagiging sunud-sunuran ng Pilipinas.
Itong pagbibigay ng pardon, kasi pagpapakita ito ng, matagal na naming sinasabing subserviency. Pagpapakita ito na hanggat nandya’n ang mga hindi pantay na kasunduan, katulad ng MDT, ng EDCA, ng VFA, magpapatuloy at magpapatuloy ‘yung ganitong klase ng travesty ng ating hustisya, ng ating dignidad, ng ating soberanya at demokrasya,” ani Suarez.
Aniya, pinatunayan din nito na hangga’t umiiral ang hindi patas na kasunduan gaya na mutual defense treaty (MDT), visiting forces agreement (VFA) at enhanced defense cooperation agreement (EDCA) ay magpapatuloy ang paglapastangan sa soberanya, hustisya at dignidad ng bawat Pilipino.
Kaugnay nito, umalma rin si Suarez sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na ang kaniyang pagbibigay ng absolute pardon kay Pemberton ay bunsod ng mga report na naging mabuti naman ito sa loob ng kulungan.
Aniya, napakaraming karapat-dapat na mabigyan ng absolute pardon gaya na lamang ng mga matatandang bilanggo.
Napakinggan ko si Duterte, ang sabi niya ay binigyan daw nya ng pardon kasi wala naman daw report na nagwawala si Pemberton. Sabi ko, ganoon lang ba ibigay ang pardon? Napakarami natin na convicted, na sentensyado, na matatanda na, tumagal na, palagay ko nagpakita ng good conduct, baka mas deserving pardon,” ani Suarez. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas