Umapela ang grupo ng mga doktor sa mga alkalde na payagan ang mga restaurant na gamitin ang bangketa o sidewalk, at iba pang open air spaces para sa kani-kanilang mga operasyon.
Ayon kay Dr. Antonio Dans ng Healthcare Professionals Alliance against COVID-19(HPAAC), isa ito sa kanilang nakikitang solusyon upang maibalik ang sigla ng ekonomiya nang hindi nailalagay sa alanganin ang kalusugan ng publiko lalo na ngayong Christmas season.
Sinabi ni Dans, mas maayos kasi ang sirkulasyon ng hangin sa mga open air spaces kung saan mababa naman ang tsansa na mahawa ng COVID-19.
Gayunman, sinabi naman ni Dans na kailangan pa rin namang ipatupad ang minimum standard protocols dahil lumabas aniya sa pag-aaral na 4% sa bawat isandaang indibidwal sa lansangan ang may COVID-19.