Handa ang pamahalaang makipag-negosasyon sa mga pharmaceutical companies para sa makatarungang halaga ng COVID-19 vaccine.
Ito ang naging pagtitiyak ng Department Of Health (DOH) matapos na manindigan si Senator Sonny Angara na ang inilabas nyang impormasyon hinggil sa presyo ng COVID- 19 vaccine ay mula lamang sa mga dokumentong isinumite ng DOH noong deliberasyon ng 2021 proposed national budget.
Sa pahayag na inilabas ng DOH, nilinaw nito na ang unang inilabas na halaga ng bakuna ay indicative o mga pagtataya lamang ng presyo nito dahil hindi anila ito ang napagkasunduang halaga ng mga manufacturer at ng pamahalaan.
Sa ngayon, umapela ang DOH sa publiko na magtiwala sa proseso ng pamahalaan sa pagbili ng bakuna.
Matatandaang sa unang isinumiteng datos ng DOH, nagkakahalaga ng P3,623 ang presyo ng kada dalawang dose ng Sinovac vaccine, habang P2,379 naman ang Pfizer vaccine.
Samantala, napaulat naman na dahil sa patuloy na deliberasyon ng senado hinggil sa bakuna ay napababa ang halaga ng Sinovac vaccine kung saan nasa P650 na lamang ang halaga nito.