Binuweltahan ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Congressman Reynaldo Umali na “game over” na ang Punong Mahistrado.
Ayon kay Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno, para sa kanila, nagsisimula pa lamang ang laban dahil sa Senado ang tunay na labanan ng mga ebidensya.
Binigyang diin ni Cruz na handang-handa na ang kanilang kampo para kontrahin ang lahat ng alegasyon sa isusumiteng articles of impeachment ng Kamara sa Senado.
Una rito, tinapos na ng House Committee on Justice ang impeachment hearings laban kay Sereno at inihahanda na ang botohan sa plenaryo.
“Preparado naman po ang kampo ni CJ Sereno, ifa-fine-tuning na lang po ‘yan, kasi ia-assess po lahat ng emosyon na pinairal sa House Committee, lahat ng sinasabing ebidensya, handa po kami, tuloy po ang laban. Sinabi po ni Congressman Umali ‘game over’ eh sa aming pananaw, sabi nga ni Karen Carpenter, “we’ve only just begun”. Ani Cruz
‘Leave of absence’
Aminado ang kampo ni Sereno na posibleng mapahaba ang bakasyon ng Punong Mahistrado mula sa kanyang trabaho.
Ayon kay Atty. Carlo Cruz, posibleng mangailangan sila ng mahabang panahon para maghanda sa paglillitis ng Senado kapag iniakyat na roon ang articles of impeachment laban sa Punong Mahistrado.
Gayunman, binigyang diin ni Cruz na puwedeng bumalik sa Korte Suprema si Sereno, anumang oras na gustuhin niya.
Ipinaliwanag ni Cruz na Enero pa nang maaprubahan ang ‘wellness leave’ ni Sereno mula March 12 hanggang 23 subalit pinaaga lamang ito dahil sa takbo ng impeachment hearings sa Kongreso.
“‘Yung sinasabing indefinite, ganito po kasi ‘yun hindi natin alam kung gaano katagal ang kailangang panahong tustusin niya para sa kanyang preparasyon, so in that sense indefinite ‘yan, alam niyo po maiintindihan ng ating mga kababayan siguro na kailangang bigyan niya ng buong pansin ang trial na ito, pero nasa sakanya po ang diskresyon at karapatan kung gusto niyang bumalik sa trabaho, anytime.” Dagdag ni Cruz
Kasabay nito ay isinantabi ni Cruz ang di umano’y white paper na umiikot sa Korte Suprema hinggil sa di umano’y panawagan ng mga empleyado ng Supreme Court na magbitiw na si Sereno.
“Maliwanag po na hindi siya nag-resign, ‘yung mga sinasabing panawagan na ‘yun eh syempre nakakabahala ‘yung mga ganung balita so ‘yung mga kasamahan namin sa Supreme Court ay kinausap naman po ang mga unyon doon eh wala naman daw po silang kinalaman sa pinalabas na parang white paper pong ganun.” Paliwanag ni Cruz
‘IQ’
Binalewala rin ni Cruz ang pahayag ng isang psychologist sa impeachment hearing na hindi naaayon sa posisyon ni Sereno bilang Chief Justice ang kanyang IQ o intelligence quotient.
Binigyang diin ni Cruz, na ang mahalaga ay pumasa ang Punong Mahistrado sa mga panuntunan ng Judicial and Bar Council o JBC kaya’t naisama siya sa listahan ng mga pinagpilian noon ng dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ang JBC ang sumasala sa lahat ng aplikante para sa pagka-Punong Mahistrado at nagsusumite ng listahan ng mga nominado upang pagpilian ng Pangulo.
“Ang determinasyon po dito ng JBC na may kasarinlan po sang-ayon sa ating Saligang Batas ay kuwalipikado siya kaya siya nasama sa list of nominees, kaya si Pangulong Aquino ay inappoint siya, hindi naman po yata tama na parang gagawin itong impeachment proceeding na parang prosesong apela.” Pahayag ni Cruz
(Ratsada Balita Interview)