Mariing iginiit ni dating Health Sec. Janette Garin na dapat ring panagutin sa batas ang dating kalihim ng DOH o Department of Health na si Paulyn Ubial.
Ito ay kaugnay ng tumataas na kaso ng tigdas sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ayon kay Garin may pagkukulang si Ubial sa pangangampanyanya ng bakuna lalo na noong sumingaw ang isyu ng kontrobersiyal na dengue vaccine na dengvaxia.
Paliwanag pa ni Garin, imbis aniya na tumulong si Ubial na ipaliwanag sa publiko na magkaiba ang bakuna sa tigdas at dengvaxia, ay umiwas pa ito sa isyu.
Kaugnay nito, muli namang nilinaw ng DOH na ligtas ang bakuna kontra tigdas at hinikayat ang mga magulang na huwag mag-dalawang isip na pabakunahan ang kanilang mga anak.