Ipinag-kibit balikat lamang ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang ulat na kabilang siya sa umano’y “kill list” ng CPP-NPA.
Ayon kay Esperon, hindi na niya ikinababahala pa ang nasabing listahan ng target ng rebeldeng grupo lalo na’t nakatuon lamang ang kaniyang atensiyon sa kaniyang tungkulin sa bansa.
Aniya, natural lamang na mapabilang siya sa “kill list” ng CPP-NPA dahil sa posisyong kaniyang pinanghahawakan.
Giit pa nito, ang pagpalabas ng CPP-NPA ng nasabing listahan ay patunay lamang na dapat pang mas paigtingin ng mga otoridad ang paglaban sa mga ito.
Una rito, minaliit din naman ng Phil. National Police (PNP) ang paglalabas ng ‘kill list’ ng rebeldeng grupo, kung saan kabilang din sa target ng rebeldeng grupo sina DILG Sec. Eduardo Año, AFP Deputy Chief of Staff Major Gen. Antonio Parlade at iba pang matatas na opisyal ng pamahalaan.