Nais ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa inilabas na ‘edited’ picture ng Phil. Army hinggil sa mga sumukong miyembro ng New People’s Army (NPA).
Sa inilabas na pahayag ni AFP chief of staff Gen. Noel Clement, sinabi nito na nais niyang maimbestihan ang minanipulang litrato hinggil sa pagsuko ng 300 miyembro ng komunistang grupo.
Ayon kay Clement, dapat na maparusahan ang lahat ng responsable sa paglalabas sa nasabing edited na litrato.
Aniya, kabilang sa kanilang polisiya ang pagtitiyak na tama at totoo ang lahat ng anumang inilalabas nilang impormasyon sa media, mapa-litrato man o pahayag.
Dagdag pa ni Clement, anumang mali o minanipulang impormasyon na kanilang ilalabas sa media ay maka-aapekto sa kanilang kredibilad.
Una rito, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na maaring maharap sa kaparusahan ang mga responsable sa paglalabas ng naturang larawan.
Samantala, inamin ng Phil. Army 9th Infantry Division na edited o minanipula ang ibinigay nilang larawan sa media na nagpapakita ng mga sumukong rebelde sa Masbate.
Kasabay nito humingi na rin ng paumanhin si 9th Infantry Division Spokesperson Major Ricky Aguilar at iginiit na wala silang intensyon na magbigay ng maling impormasyon.