Inaasahan na ng Department Of Health (DOH) na tataas pa ang kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong Disyembre.
Ito ay kasunod narin ng mga serye ng pagbaha sa ilang lugar sa bansa dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo.
Sa isang panayam kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, mula Enero 1 hanggang Nobyembre 14 kasalukuyang taon ay bumaba ng 66% ang kaso ng leptospirosis sa bansa kung ikukumpara sa kaparehong panahon taong 2019.
Aniya, mula Nobyembre 1 naman hanggang 14 ay muling nakapagtala ang ahensya ng 54 na kaso ng leptospirosis na ang karamihan ay pawang sa Metro Manila.
Paliwanag ni Tayag, inaasahan pa nilang tataas ito dahil lumalabas ang sintomas ng naturang sakit sa loob ng 2 hanggang 28 araw matapos ang exposure ng isang tao sa kontaminadong tubig-baha.
Kabilang naman sa mga sintomas ng leptosirosis ay ang sumusunod:
- lagnat
- ubo, pagsusuka at diarrhea
- pananakit ng ulo, binti, kalamnan at kasu-kasuhan
- pamumula ng mga mata na walang pagmumuta
- paninilaw ng balat
Pinapayuhan naman ni Tayag ang publiko na agad kumonsulta sa doktor sakaling makaranas ng anomang sintomas na nabanggit.