Itinanggi ng Department of Energy na may krisis sa kuryente sa kabila ng serye ng mga brownout sa ilang bahagi ng luzon sa nakalipas na dalawang linggo.
Sa isinagawang pagdinig ng Senado hinggil sa energy situation sa bansa, tiniyak ng mga opisyal ng ahensya na umaaksyon na sila upang hindi na muling magkaroon ng mga power interruption.
Matatandaang isinailalim ng National grid corporation of the Philippines sa red at yellow alert ang Luzon grid noong isang linggo dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente.
Ipinaliwanag ni Energy Secretary Alfonso Cusi na batay sa kanilang pagsisiyasat, naantala ang maintenance ng ilang planta noong May 9 elections.
At dahil hindi na uubrang maextend pa ang operating schedule ng mga planta, nagkasabay-sabay ngayon ang maintenance nila.
Gayunpaman, tiniyak ni Cusi na walang power crisis.
Maintenance schedule sa mga power plants pinag aaralan
Pinag-aaralan na ng Department of Energy ang maintenance schedule ng mga power plant at replacement power para sa mga plantang sasailalim ng maintenance.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, ilan lamang ito sa mga gagawin ng kanilang ahensya upang maiwasan ang mga power interruption sa hinaharap.
Plano, aniya, ang Energy Department na magpatayo ng 200 megawatt power plant at gamitin ang mga reserba bilang tugon sa mga lumalaylay na reserba.
Dagdag pa ni Cusi, sisimulan ng pamahalaan ang planong ito at maaaring ipagpatuloy ng isang pribadong sektor na magkakainteres.
By: Avee Devierte