Inabisuhan na ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipino na nagbabalak na magtungo sa Iraq na kanselahin na muna ang kanilang biyahe.
Ito ay kaugnay ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Iran matapos na masawi ng top commander ng Iran na si Qassim Suleimani sa airstrike ng Amerika.
Batay sa abiso ng DFA, hinikayat nito ang mga Pinoy na huwag munang bumiyahe sa Iraq hanggang sa humupa na ang tensiyon doon.
Pinapayuhan din naman ang mga Pinoy na patuloy na makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas at sa kanilang mga employers sakaling magpatupad ng evacuation o paglikas.
Una rito, nagbabala ang Iran na gaganti sila sa naging hakbang ng Estados Unidos, at posibleng mauwi ito sa giyera.
Si Suleimani ay heneral na itinuturing na ikalawang pinakamakapangyarihan sa Iran.
Batay naman sa report, mismong si U.S. President Donald Trump ang nag-otorisa ng nasabing air strike.