Hinihimok ni Senator Nancy Binay ang gobyerno na alisin na ang deployment ban sa mga healthcare workers.
Sa isang pahayag sinabi ni Binay na umaasa siyang maiintindihan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Inter-Agency Task Force (IATF) ang sitwasyon ng mga healthcare workers na nais makapag trabaho sa ibang bansa kung hindi naman aniya ito mabibigyan ng trabaho ng gobyerno.
Giit pa ng senadora, kung walang trabaho at benepisyo na maipagkakaloob ang pamahalaan sa kanila ay hindi tama na pagkaitan ang mga ito ng pagkakataon na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Binay na hindi magkukulang ng mga healthcare workers sa bansa oras na alisin na ang deployment ban dahil batay aniya sa datos ng Department of Health (DOH) noong 2017, tinatayang nasa mahigit 750,000 ang lisensyadong medical professionals sa bansa.