Ini-apela ni Senador Leila De Lima ang pagbasura ng Korte Suprema sa isinampa niyang kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa resolusyon ng Korte Suprema, hindi maaaring aksyunan ang inihaing kaso ni De Lima dahil may immunity sa demanda ang Pangulo.
Sa kanyang motion for reconsideration, kinuwestyon ni De Lima ang paggamit ng Korte Suprema sa immunity ng Pangulo sa mga sinasabi at ginagawa nito na wala namang kinalaman sa kanyang opisyal na responsibilidad o trabaho bilang isang Pangulo.
Para na ring binigyan aniya ng lisensya ang Pangulo na magbitiw ng masasakit at mapang insultong mga salita at manghiya ng tao habang siya ay nakaupo bilang Pangulo.
Ang petition for habeas data na inihain ni De Lima laban sa Pangulo ay napag-alamang ibinasura na noong October 15 ng Korte Suprema subalit isinapubliko lamang nitong January 22.
Hinihingi ng petisyon sa Korte Suprema na patigilin ang Pangulo sa pagbanat, pang-iinsulto at diskriminasyon sa Senadora. — ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3)