Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara ang House Bill 6817 o mas kilalang COVID-19 Related Discrimination Act na naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon laban sa mga frontliners –partikular na sa mga health workers, service workers, Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang kabilang sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Isinulong ni 6th District Quezon City Representative Jose Christopher “Kit” Belmonte ang naturang panukala dahil maraming mga health workers ang nakararanas ng diskriminasyon kung saan pinapalayas ang iba dito sa mga boarding house na kanilang tinutuluyan; habang ang iba naman sa Mindanao ay binabato at sinasabuyan ng bleach ang mga health workers.
Magugunitang binaril naman ang isang ambulance driver sa Quezon dahil sa umano’y takot na dala nito ang virus.
Alinsunod sa COVID-19 Related Discrimination Act, pananagutin ang sinumang tatanggi at mag-aabandona sa mga health workers na syang nangunguna sa paglaban ng bansa sa COVID-19.