Malaki ang posibilidad na hindi sa ospital, kundi sa komunidad, nahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga medical frontliner.
Ayon kay Philippine General Hospital (PGH) spokesperson Jonas Del Rosario, 200 ang nagpositibo sa COVID-19 mula sa 6,000 bilang ng empleyado ng PGH na isinailalim sa RT-PCR test.
Sinabi ni Del Rosario, 65% sa mga ito ang nahawa lamang ng COVID-19 sa kanilang mga komunidad.
Anya, mababa rin kasi ang porsyento ng mga healthcare workers na nagtatrabaho sa COVID-19 ward ang nagpostibo sa virus.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PGH ang publiko na nananatili ang banta ng COVID-19 dahil mistula anyang nakalimutan na ng publiko na totoo ang banta nito matapos na paluwagin ang health protocols sa Metro Manila at ilan pang bahagi ng bansa.
Sa ngayon, nasa 3,567 na ang bilang ng mga healthcare workers na nagpositibo sa COVID-19 sa buong bansa.