Handa na ang Clark International Airport para sa pagdating ng mga Pilipinong ililikas mula China.
Ito ay matapos na i-anunsiyo ni Department of Health (DOH) Sec Francisco Duque III na ang New Clark City na lamang ang gagamiting quarantine site sa halip na sa Mega Drug Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Ayon sa pamunuan ng Clark International Airport, hindi dadaan sa passenger terminal ang mga iuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs), bagkus ay didiretso ang mga ito sa isang itinakdang gusali malapit sa paliparan.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Bureau of Quarantine at Bureau of Immigration (BI) na handa na rin sila para sa mga nakalatag na protocols.
Una rito, sinabi ni Duque na matapos ang inisyal na inspeksyon ay agad na dadalhin ang mga OFW, airline at medical personnel sa quarantine site lulan ng itinakdang bus para sa kanila.
Tiniyak ng kalihim na ang DOH ang mangngasiwa sa mga OFWs habang nasa quarantine area samantalang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ang bahala sa pagpapa-uwi sa kanila matapos nilang sumailalim sa 14-day quarantine.