Hindi pa rin natutukoy ng mga otoridad kung sino ang carrier ng UK variant ng COVID-19, na siyang nakahawa sa 12 katao sa Bontoc, Mountain Province.
Ayon kay Karen Lonogan, senior health program officer ng Department of Health – Cordillera, ang kanilang pinaghihinalaang carrier na nakahawa sa 12 katao sa Bontoc ay isang 43-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) na umuwi mula sa UK noong ika-11 ng Disyembre.
Aniya, nagnegatibo ito sa COVID-19 nang sumailalim sa RT-PCR test sa paliparan noong ika-12 ng Disyembre kung kaya’t nakauwi ito ng Bontoc.
Gayunman, nang dumalo umano ito sa mga party noong Christmas holidays at magpunta sa Sagada ay nakaramdam na ito ng sintomas at nagpositibo nanga sa COVID-19 noong ika-29 ng Disyembre.
Samantala, nananatili namang mahiwaga sa ahensya kung paano nagpositibo sa bagong variant ng COVID-19 ang isang salesman sa La Trinidad, Benguet gayung wala naman itong travel history.