Itinakda na ng Senate Blue Ribbon Committee sa Agosto 30 ang isasagawang pagdinig kaugnay sa iligal na black sand mining sa lalawigan ng Zambales.
Alinsunod ito sa inihaing Senate Resolution Number 92 ni Senador Panfilo Lacson na humihiling na imbestigahan si dating Zambales Governor Hermogenes Esperon.
Magugunitang isiniwalat ni Incumbent Governor Amor Deloso ang walang habas na paglapastangan sa mga kabundukan ng Zambales para ipanambak sa mga artipisyal na isla ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Batay sa ulat ng Mines and Geosciences Bureau o MGB ng DENR, nagdulot ng malubhang epekto sa kalikasan ang iligal at walang sistemang pagmimina sa nasabing lalawigan.
Nagdulot ito ayon sa MGB ng siltation o pagguho ng lupa at pagkasira ng mga daluyan ng tubig sa mga bayan ng Masinloc, Sta.Cruz at Candelaria.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)