Umabot sa 83,000 ang bilang ng mga pasaherong bumiyahe sa iba’t-ibang pantalan sa bansa araw ng Linggo, Nobyembre 3.
Ito ay batay sa pinka huling datos ng Philippine Coast Guard (PCG) kung saan nasa kabuuang 83,100 na ang bilang ng outbound passengers sa mga pantalan.
Sa naturang bilang, pinakamarami ang naitala sa Western Visayas na may 18,400 pasahero sa mga pantalan sa Iloilo, Aklan, Capiz, Antique, at Guimaras.
Sinundan naman ito ng Southern Tagalog na mayroon 11,000 pasahero sa mga pantalan sa Batangas, Oriental Mindoro, Southern Quezon, Occidental Mindoro, Romblon, at Northern Quezon.
Sa ngayon, tiniyak naman ng PCG na patuloy pa rin silang naka-monitor dahil sa inaasahang dami ng pasahero na uuwi sa Metro Manila mula sa mga lalawigan matapos ang paggunita ng Undas.