Bumuo na ng grupo ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang tutukan ang insidente kung saan malayang nakapasok sa Boracay Island ang isang coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient.
Ito ay matapos na dumalo sa isang conference sa Boracay ang 20 personnel ng BFP na kinabibilangan ng isang personnel na positibo sa COVID-19.
Ito ay sa kabila rin ng dapat sana’y pagsailalim ng naturang personnel sa mahigpit na mandatory quarantine dahil isinalang ito sa COVID-19 test.
Ayon kay BFP Chief Dir. Jose Embang Jr., kabilang ang BFP at inspecting team ng IATF sa mga nagsuri at naglibo’t sa Boracay island para sa muling pagbubukas ng isla.
Ngunit, nabatid na dumating ang grupo ng nasabing personnel matapos ang naturang inspeksyon.
Sinabi ni Embang, ito ang dahilan kaya’t nais niyang paimbestigahan ang naturang insidente upang matukoy kung ano ang pakay ng nasabing personnel at grupo nito sa pagtungo sa isla.
May mga nakarating aniya kasing report na nagpadespedida ang grupo nito gayong mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering.
Una rito, ipinatanggal na ni DILG Sec. Eduardo Año ang BFP Region VI regional director dahil sa insidente.