Tuloy na ang usapang pang-kapayapaan ng pamahalaan sa CPP-NPA.
Ito mismo ang kinumpirma ni Labor Sec. Silvestre Bello III matapos itong atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtungo sa Netherlands upang makipag-negosasyon kay CPP-NPA Founding Chairman Jose Maria Sison hinggil sa peace talks.
Ayon kay Bello, pumayag si Sison sa 90 poryento ng mga inilatag na kondisyon ni Pangulong Duterte para matuloy na ang usapang pangkapayapaan.
Gayunman, pinawi naman ni Bello ang pangambang patibong lamang ang alok na usapang pangkapayapaan ng pangulo sa mga rebeldeng grupo.
Dagdag pa ng kalihim, naging maayos ang kaniyang pakikipag negosasyon kay Sison kung saan kabilang sa inilatag na kundisyon ni Pangulong Duterte ay dapat sa Pilipinas ganapin ang peace talks.
Una rito, sinabi ni Sison na posibleng patibong lamang ang alok na ito ng pangulo at nais lamang nito na arestuhin ang kanilang grupo sa oras na pumayag sila na makipag pulong.
Matatandaang, Disyembre 6 ng atasan ng pangulo si Bello na makipag-usap kay Sison at kay NDF Senior Adviser Luis Jalandoni at NDF Chief Negotiator Fidel Agcaoili.