Dapat na patunayan ng Bureau of Corrections (BuCor) na walang iregularidad o anumang anomalya ang bumabalot sa pagkasawi ng ilang inmates mula sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ito ang parehong sentimyento nina Senate Blue Ribbon at Justice Committee Chairman Richard Gordon, at Senate Minority Leader Franklin Drilon matapos na mapaulat na nasawi sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 21 bilanggo sa NBP na kinabibilangan ng siyam na high-profile inmates.
Sinabi ni Gordon, hindi kasi maganda ang imahe ng BuCor at walang tiwala sa kanila ang publiko dahil makailang ulit na itong nasasangkot sa iba’t-ibang anomalya, korapsyon, at kung ano-ano pa kaya’t mahirap aniyang paniwalaan na totoong namatay sa COVID-19 ang mga high-profile inmates.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Drilon na nais niyang ipapanawagan ang pabibitiw ni BuCor Chief Gerald Bantag dahil sa aniya’y pagtatago nito ng impormasyon hinggil sa pagkamatay ng mga nasabing preso.
Samantala, sinabi naman ni National Privacy Commisson Chairman Raymund Liboro na hindi maaring gamiting dahilan ng BuCor ang Data Privacy Act upang huwag isiwalat ang impormasyong kailangang malaman ng publiko.
Gayunman, pareho namang iginiit nina Drilon at Gordon na hindi sakop ng Data Privacy Act ang mga PDL o persons deprived of liberty.