Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kongreso na magpasa ng batas na magpapahintulot sa mga agrarian reform beneficiaries na isanla ang kanilang mga lupa.
Ito ang inihirit ng pangulo sa kaniyang talumpati sa pamamahagi ng titulo sa agrarian reform beneficiaries sa Davao City, kagabi.
Ayon sa pangulo, nais niya na payagan ang mga magsasaka na maisanla ang kanilang lupa para magkaroon ang mga ito ng pang-kapital.
Aniya, lubhang nakakadismaya ang probisyon ng Comprehensive Agrarian Reform Act of 1988 na nagbabawal sa mga benepisyaryo na maisanla ang kanilang mga lupa.
Matatandaang inihain na noong 2013 ang panukala para tanggalin ang naturang restriction ngunit hindi ito pumasa sa kongreso.