Posibleng naka-impluwensiya si Senate President Vicente Sotto III sa bantang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 national budget.
Ito’y ayon kay Cabinet Sec. Karlo Nograles, matapos ibabala ni Pangulong Duterte na iveveto nito ang panukalang P3.7 trillion pambansang budget.
Paliwanag ni Nograles, posibleng may kaugnayan ang naging banta ng pangulo sa matagal at conditional na pag-pirma ng Senado sa panukalang pambansang budget.
Kasabay nito, sinabi naman ni Sotto na suportado niya ang nasabing banta ng pangulo kung saan inamin rin nito na makabubuti ang pag-veto sa 2019 national budget upang maalis ang mga umano’y illegal re-alignment na ginawa ng ilang mambabatas.
Bantang pagveto sa 2019 budget suportado ni Sotto
Nakahanda si Senate President Vicente Sotto III na suportahan si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magpasiya itong i-veto ang buong 2019 national budget.
Ayon kay Sotto, tiyak na mabubura ang lahat ng mga isiningit na pork barrel fund ng mga mambabatas oras na maging reenacted ang budget para sa kasalukuyang taon.
Dagdag ni Sotto, maaaring ang banta ni Pangulong Duterte na pag-veto sa 2019 national budget ay paraan nito para balaaa ang mga kongresista.
Una na aniyang iminungkahi ang pag-veto sa national budget matapos na magmatigas ang Kamara sa pagtanggal ng mga kaduda-dudang probisyon dito.