Nalalapit na naman ang pagdiriwang ng araw ng paggawa o Labor Day sa a-primero ng buwan ng Mayo.
At kapag ganito ang selebrasyon, siguradong may sorpresang handog ang pamahalaan, ngunit ngayon pa lamang ay inanunsyong wala daw aasahang umento ang mga manggagawa.
Ito ang masakit na katotohanan, tila allergic ang gobyerno kapag umento sa sahod ang pinag-uusapan at pinagtutulukan ng labor sector.
Para sa kaalaman ng lahat, unang itinutulak ng labor groups tulad ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay P136, ngunit ang inaprubahan lamang ng National Wages and Productivity Commission sa pamamagitan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay kakarampot na P15 para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Kaya naman hindi maiwasang batikusin ito dahil hindi umano ito sagot sa matagal nang pahirap sa pang-araw-araw na gastusin.
Kasabay naman ng kawalan at maliit na umento sa sahod, aba’y sunod-sunod naman ang mga balitang tanggalan sa trabaho dahil sa isyung redundancy at ilang paraan ng streamlining ng mga kompaniya lalong-lalo na sa hanay sa media.
Kamakailan lamang ay umani ng batikos ang tanggalan ng empleyado mula sa istasyon ng mga kapuso nang magulantang na lamang ang nasa isandaang manggagawa ng kanilang Regional Stations, matapos sabihing tapos na ang kanilang serbisyo sa kompaniya.
At ang masakit lamang dito at ang aking ikinagagalit ay ang paraan ng mass lay-off ng mga empleyado dahil minadali at tila di ginamitan ng puso.
Kaya imbes na masayang ipagdiwang ang Labor Day, siguradong dadagsain ang National Labor Relations Commission (NLRC) ng mga obrero, dahil sabay-sabay magsusumite ng labor complaint ang mga naagrabiyadong empleyado.
Pakiusap na lamang natin sa NLRC, na maging patas at sana gawing katanggap-tanggap ang pagtalakay sa mga reklamong idudulog sa inyong tanggapan.
Isipin ang kapakanan ng mga obrero at hindi ang pressure at pagmamanipula ng mga bigating kompaniya.
Kahit yun na lang ang regalo niyo sa mga manggagawa sa Labor Day! (By: ALEX SANTOS)