Pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging ganap na batas ang kontrobersiyal na anti-terrorism bill.
Ito ay matapos na aprubahan ng Kamara Sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6875 na naglalayong mas paingtingin pa ang pangil ng batas laban sa terorismo kung saan target din nito na amyendahan ang Human Security Act of 2007.
Nasa 173 mambabatas ang bumoto pabor sa naturang panukala, 31 naman ang kontra habang nasa 29 naman ang nag-abstain.
Sinabi ni PBA-Partylist Rep. Jericho Nograles, isa sa may akda ng naturang panukala, hindi na kailangan pang magsagawa ng Bicameral Conference Committee dahil ikinu-kunsidera na itong isang enrolled bill matapos na i-adopt ng Kamara ang bersyon nito sa Senado at dahil sinertipikahan ito ng pangulo bilang isang urgent bill.
Matatandaang, itinuturing na kontrobersyal ang naturang panukala dahil nasa ilalim nito ang probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga otoridad na mag-detain ng isang suspect sa loob ng 20 araw kahit na wala pa itong kinakaharap na kaso.
Sa ilalim din nito, maari ding makulong ng hanggang sa 12 taon ang sinuman magbabantang mag-sagawa ng terorismo, at tinatanggal din nito ang P500.00 bayad para sa kada araw na pagkakakulong ng isang akusado sa oras na ma-absuwelto ito sa anumang terrorism charges.