Pinabulaanan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon ang mga alegasyon na palihim ang ginawang pagbibigay ng pardon sa ilang inmates ngayong holiday season.
Ayon kay Faeldon, walang dapat pangambahan ang mga kritiko dahil alinsunod sa panuntunan ang pagpataw ng pardon sa ilang bilanggo ng National Penitentiary.
Nilinaw rin ni Faeldon na bago mabigyan ng pardon ang isang inmate ay dadaan muna ito sa mahigpit na proseso kung saan dapat nakapagsilbi na ito ng kalahati ng kaniyang jail term.
Kailangan rin aniyang nakagawa ito ng mabubuting aktibidad sa loob ng kulungan, at hindi lumabag sa mga panuntunan ng bilangguan.
Matatandaang, umabot na halos 2,000 preso ang napalaya sa pamamagitan ng pardon ngayong taong 2018.