Isinusulong ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang pag-iimbestiga sa Senado kaugnay sa alegasyon ng pag-abuso at paglabag ng ABS-CBN sa legislative franchise nito.
Ayon sa Senadora, mas makakabuting mabusisi ng Senado ang mga alegasyong pinapataw ng Office of the Solicitor General laban sa ABS-CBN at madinig rin ang panig ng network na ginigiit na wala silang nilalabag na anumang batas at patakaran.
Aniya, nakasaad sa panukalang batas para sa renewal ng ABS-CBN franchise na inihain nina Senator Ralph Recto at Senator Leila De Lima na maaaring amyendahan, baguhin, at ibasura ng Kongreso ang prangkisa kung kailangan para sa interes ng publiko.
Samantala, hindi pa ito maaaring aksyunan ng Senado hangga’t hindi pa ito inaaksyunan ng Kamara De Representantes. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)