Tumataas ng 5% ang bilang ng mga aksidente sa kalsada sa Metro Manila kada taon.
Batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naitala ang higit 800,000 road crashes mula 2010 hanggang 2018 kung saan nasa 3,900 dito ang nasawi, at nasa halos 200,000 naman ang nasugatan.
Ayon kay Automobile Association of the Philippines President Gus Lagman, isa sa pangunahing dahilan ng aksidente sa kalsada ay ang kawalan ng kaalaman ng mga nagmamaneho.
Aniya, masyado na ring madali ngayon ang makakuha ng driver’s license.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang Land Transportation Office (LTO) na kasabay nang pagpapalawig ng bisa ng lisensiya ay ang mas mahigpit na proseso sa pagkuha nito.
Ayon kay LTO Deputy Dir. Roberto Valera, pinaigting na rin nila ang LTO exams at drivers’ education kung saan kabilang ang pagsama ng road safety sa curriculum o mga pag-aaralan.