Naka-high alert status na ang Disaster Reponse Unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas, dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay, nakaposisyon na ngayon sa ligtas na lugar ang kanilang mga tauhan at kagamitan sa Southern Luzon Command, Northern Luzon Command at Joint Task Force National Capital Region.
Aniya, nakikipagtulungan narin sila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa mabilis na pagresponde sa kanilang mga tauhan kung kakailanganin.
Dagdag pa ni Gapay, naglilibot na ang kanilang mga search and rescue team gamit ang mobility assests sa mga lugar na posibleng bahain upang agad na mailikas ang mga tao kung kinakailangan na ng mga ito mag evacuate.
Tiniyak naman ni Gapay ang pakikiisa ng AFP sa lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pagtiyak ng kaligtasan ng taumbayan lalo na ngayong may panganib na bagyo.