Ipinag-utos ni Armed Forces of the Philippines Chief General Romeo Brawner Jr. na imbestigahan ang ulat na umano’y nagtago sa Philippine Marine Corps si Orly Guteza, ang surprise witness sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa korapsyon sa mga flood control projects.
Sa isang ambush interview, sinabi ni General Brawner na agad niyang inatasan ang kanyang mga staff na magberipika matapos mabasa ang balita na nasa custody umano ng Philippine Marines si Guteza.
Giit ng heneral, walang balak ang AFP na hadlangan ang pagpapatotoo ni Guteza sa imbestigasyon ng Senado.
Samantala, nilinaw ng Philippine Navy na hindi isinailalim sa proteksyon ng P-M-C si Guteza.
Ayon kay Navy Spokesperson Captain Marissa Martinez, matagal nang retirado si Guteza sa Philippine Marine Corps mula pa noong Hunyo 30, 2020.—sa panulat ni Daniela De Guzman




