Arestado ang pitong Chinese nationals at isang Pilipino na sangkot sa pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa dalawang Chinese POGO workers sa San Pedro, Laguna.
Ayon kay Police Lt. Col. Jay Dimaandal, Deputy Chief ng anti-organized crime unit-criminal investigation and detection group, isa sa naging biktima ng mga ito si Lyu Long na supervisor sa pogo.
Aniya, Disyembre 23 nang mapaulat na dinampot si Long kasama ang assistant niyang babae.
Humihingi umano ang mga suspek ng ransom money na nagkakahalaga ng isang milyong yuan.
Pero matapos bigong maibigay ng buo ang ransom money, ay natagpuan na lamang ng mga otoridad ang bangkay ni long sa Talisay, Batangas na halos di na makilala dahil puro saksak ito sa mukha at pinugutan pa ng ulo.
Naaresto naman ang walong suspek sa magkakahiwalay na lugar kung saan nailigtas pa ang isang biktima na umano’y ginahasa ng mga ito.
Sa ngayon ay nahaharap na sa patong-patong na kaso ng kidnapping for ransom, murder, frustrated murder, rape at illegal possession of firearms ang mga suspek.