Ipinadeport ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong Chinese nationals na nasangkot sa iba’t ibang krimen at pagtatrabaho sa bansa nang walang kaukulang permit o visa.
Ayon sa isinumiteng report ni Immigration Port Operations Chief Grifton Medina kay Commissioner Jaime Morente, ang pitong Chinese ay idineport noong nakaraang Huwebes at Biyernes lulan ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) papuntang Xiamen.
Samantala, magugunitang naaresto ang pitong Chinese noong Setyembre, taong 2019, sa ikinasang operasyon sa Pasig City, Puerto Princessa sa Palawan at Masinloc, Zambales.
Kabilang naman sa illegal foreign workers ang tatlo sa mga ito na naaresto sa Ortigas Center, habang ang dalawa ay sangkot sa illegal online gaming sa Puerto Princesa at ang dalawa ay natimbog sa illegal black sand mining sa Zambales.