Monthly Archives
July 2025
Naglunsad muli ang militar ng airstrike laban sa Maute terror group sa Marawi City.
Pinakawalan ang airstrike bago mag-alas-9:00 kaninang umaga.
Dahil dito, lalong umigting ang tensyon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng Maute.
Wala pang ibinibigay na karagdagang detalye ang AFP o Armed Forces of the Philippines ukol dito.
Samantala, nananatiling mataas ang morale ng mga sundalong nakikipaglaban sa Marawi City.
Tiniyak ito ni Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng Armed Forces of the Philippines sa harap ng panibagong pagkamatay ng dalawang (2) sundalo dahil sa nagmintis na bomba ng militar.
Ayon kay Padilla, ganado ang mga sundalo na mapuksa na sa lalong madaling panahon ang mga terorista upang maibalik na sa normal ang pamumuhay nila at ng mamamayan sa Marawi City.
Tiniyak naman ni Padilla na masusi nilang sinisiyasat ang problema sa pagmintis ng kanilang airstrike.
“Bagamat may kalungkutang nararamdaman ang ating mga sundalo batid nilang lahat na may risk tayong hinaharap kaya nananatiling mataas ang morale ng ating kasundaluhan dahil gusto na nilang maresolba ang gulong ito sa lalong madaling panahon at maibalik na sa normal ang Marawi.” Pahayag ni Padilla
By Meann Tanbio | Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Airstrike muling inilunsad ng militar sa Marawi City was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Kumpiyansa si dating Senador Bongbong Marcos na sapat na ang tatlong lugar para sa recount ng mga boto para mapatunayang siya ang nanalo sa Vice Presidential elections noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Karambola sa DWIZ, sinabi ni Marcos na inaasahan nilang kakayanin nang lampasan ng mga boto mula sa Iloilo, Negros Oriental at Camarines Sur ang 260,000 votes na lamang ni Vice President Leni Robredo sa kanya noong halalan.
Sinabi ni Marcos na pinili nila bilang pilot areas sa recount ang tatlong nabanggit na lugar dahil kitang-kita dito ang tinawag na undervotes.
Ang undervotes ay tumutukoy sa mga balota na mayroong balidong boto para sa president, senador at iba pang posisyon subalit invalid o hindi naisama sa bilangan ang boto para sa bise-presidente.
“Nangyayari talaga yan, meron talagang undervote, so tignan natin yung ibang undervote yung kay Pangulong Duterte mga 1 million sa VP mga almost 4 million, nagtataka kami ibinoto na ang presidente, may boto na ang governor, ang senador pero ang Vice president undervote, hindi nabilang yun, saan napunta yun?” Pahayag ni Marcos
By Len Aguirre | Karambola (Interview)
BBM: Vote recount sa 3 lugar sapat na para patunayang VP ako was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Nasa kamay na ng lokal na pamahalaan ang ikatatagumpay ng smoking ban sa buong kapuluan.
Sa susunod na linggo magtatapos ang animnapung (60) araw na paglalatahala sa executive order sa smoking ban kayat mahigpit na itong ipatutupad ng bawat lokal na pamahalaan.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, sa ilalim ng executive order sa smoking ban, inaatasan ang lahat ng LGUs na bumuo ng smoke free task force na syang maglilibot sa kani-kanilang nasasakupang syudad o bayan upang tiyaking mahigpit na naipatutupad ang smoking ban.
Makakatulong rin ng smoke free task force ang mga pulis sa paghuli ng mga maninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
“Marami nang local govbernment na very strict ang kanilang implementation isang example diyan is Davao, Makati, Marikina at Balanga City Bataan, kaya pong gawin, we will support the local government units in their implementation on this.” Ani Ubial
Sa ilalim ng EO, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar.
Ang mga establisimiento ay inaatasang maglagay ng smoking area maliban sa mga ospital at kahalintulad na establisimiyento tulad ng health centers, paaralan, hagdanan, elevator, mga lugar na may fire hazzard tulad ng gasolinahan at lugar kung saan inihahahanda ang pagkain dahil aboslute no smoking area ang mga ito.
Ayon kay Ubial, kung sa loob ng isang establisyimento ang smoking area, kailangang mayroon itong katabing isa pang kwarto kung saan lalabas ang usok upang hindi ito malanghap ng mga taong nasa labas ng smoking area.
“Anteroom for the designated smoking areas if this will be established indoor, hindi po puwedeng direct opening to the other areas of the establishment it has to have anteroom where ventilation is actually separate.” Pahayag ni Ubial
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Implementasyon ng smoking ban nasa kamay na ng LGU was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Handa ng magretiro ang tinaguriang “the greatest billiard player of all time” na si Efren “Bata” Reyes.
Aminado ang 62-anyos na tinaguriang “The Magician” na ang lumalaking gastos sa paglahok sa mga tournament, nagbabagong playing style at pagtanda ang ilan sa mga dahilan ng kanyang napipintong pagreretiro.
Ayon kay Bata, wala na siyang tatalunin sa mga tournament dahil lahat na ng pinakamagaling sa larangan ng bilyar ay kanyang nakalaban at karamihan ay kanyang tinalo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Inamin din ni Reyes na madali na siyang mapagod at malaki na rin ang ipinagbago ng kanyang playing style partikular ang kanyang pagtumbok sa mga long shot matapos operahan sa mata.
Dekada otsenta nang magsimulang sumikat si Bata nang lumahok ito sa iba’t ibang torneyo sa Amerika, Europa at Asya.
By Drew Nacino
Efren ‘Bata’ Reyes plano nang mag-retiro was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Arestado ang dalawang (2) hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group o ASG na isinasangkot sa pagdukot sa anim (6) na Vietnamese nationals.
Kinilala ang dalawa na sina Omar Harun at umano’y sub leader ng grupo na si Ara Samandi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, kasama ang dalawa sa pag-atake sa Vietnamese vessel na MV Giang Hai noong Pebrero at dinukot ang anim (6) na crew members nito.
Ayon sa AFP, umaabot na sa animnapu’t siyam (69) na miyembro ng Abu Sayyaf ang naaresto simula noong Pebrero.
By Meann Tanbio
2 hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf arestado was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Idinepensa ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa serbisyo si Superintendent Marvin Marcos, na nahaharap sa kasong homicide dahil sa pagkakapatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang-diin ni Panelo na hindi dapat husgahan agad si Marcos dahil may umiiral na presumption of innocence.
Bagamat may demandang kinakaharap si Marcos, sinabi ni Panelo na hindi pa naman alam kung ang akusasyon laban dito ay totoo o hindi.
“Ang problema kasi nakakalimutan nila na may constitutional presumption, kapag ang kriminal may presumption of innocence, hindi porke’t mga pulis yan ay wala nang presumption of innocence, hindi pa naman nako-convict yang mga yan, dapat bigyan natin sila ng garantiyang ibinibigay ng Saligang Batas.” Ani Panelo
Kasabay nito, pinarunggitan din ni Panelo si Senador Panfilo “Ping” Lacson na nagtago pa aniya noon sa batas.
Nauna nang sinabi ni Lacson na iimbestigahan nila ang pagbabalik sa trabaho ni Marcos sa unang linggo ng pagbabalik-sesyon nila.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Chief Presidential Counsel Atty. Sal Panelo
By Meann Tanbio | Balitang Todong Lakas (Interview)
Panelo sa Marcos ‘reinstatement': Di pwedeng husgahan sila agad was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Kasado na ang ikatlong Metro Manila shake drill ngayong araw.
Pangungunahan nina MMDA Chairman Danny Lim at PHIVOLCS Director Renato Solidum ang maiksing ceremonial program sa MMDA Grounds sa Makati City mamayang alas-3:30 ng hapon.
Bandang alas-4:00 ng hapon, pipindutin ang ceremonial button na siyang hudyat ng shake drill.
Ang mga empleyado ng MMDA ay kinakailangang mag-duck, cover and hold sa loob ng 45 segundo.
Pahihintuin din ang lahat ng sasakyan sa EDSA pagsapit ng alas-4:00 ng hapon kung kailan kunwari ay tatama ang magnitude 7.2 na lindol.
Pagkatapos nito, didiretso si Lim sa emergency operations center sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, habang ang mga quadrant commanders at iba pang participating units ay magtutungo sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang north quadrant ay matatagpuan sa Veterans Hospital sa Quezon City; south quadrant sa Villamor Airbase sa Pasay City; east quadrant sa LRT Depot sa Santolan, Pasig at ang west quadrant ay matatagpuan sa Intramuros golf course sa Maynila.
Heavy traffic
Asahan na ang matinding trapiko sa kabahaan ng EDSA mamayang hapon bunsod ng isasagawang malawakang earthquake drill sa Metro Manila.
Batay sa abiso ng MMDA, magsisimula ang nasabing shake drill alas-4:00 ng hapon kung saan ang sentro nito ay sa Ortigas, Pasig City.
Magkakaroon ng limang minutong simulation ng power at cellphone signal interruption para sa posibilidad ng pagtama ng malakas na lindok sa Metro Manila.
Umapela naman si MMDA Spokesperson Celine Pialago sa publiko na makibahagi sa nasabing shake drill na matatapat ng rush hour.
By Meann Tanbio
Metro Manila shake drill kasado na mamayang hapon was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Iniuumang na ng India ang kanilang nuclear weapons modernization sa China.
Ayon sa mga American nuclear expert, lutang na lutang na ang banggaan ng India at China sa lahat ng aspeto partikular ang weapons development sa gitna ng territorial dispute ng dalawang bansa.
Idine-develop na ng India ang isang uri ng nuclear missile na maaaring gamitin upang targetin ang lahat ng base militar ng China sa South India.
Nakapag-produce na rin ang India ng isandaan limampu (150) hanggang dalawandaang (200) nuclear warheads.
By Drew Nacino
Mga armas nukleyar ng China tatapatan ng India was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882
Tinatayang dalawanlibong (2,000) evacuees ang nagtapos sa Mindanao State University sa Marawi City, Lanao del Sur sa kabila ng nagpapatuloy na bakbakan ng mga tropa ng gobyerno at ISIS-Maute Group.
Kahapon ay nagsipagtapos ang mga estudyante at tinanggap ang kani-kanilang college diploma sa isinagawang graduation ceremony sa MSU-Iligan Institute of Technology sa Lanao del Norte.
Nagpaabot naman ng pagbati ang Commission on Higher Education o CHED sa mga bagong graduate at pinapurihan ang kanilang katatagan at pagpupursige na makamit ang kanilang pangarap sa gitna ng kaguluhan.
Mula sa mahigit dalawanlibo dalawandaang (2,200) graduates ng MSU Marawi, halos siyamnaraan (900) lamang ang sumama sa 52nd Commencement Exercises sa Iligan City.
By Drew Nacino
2000 MSU students nagsipagtapos sa gitna ng krisis sa Marawi was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882