Mahaharap sa kaso ang 15 pulis na nahuling nagpuslit ng kontrabando sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ito mismo ang kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Maj. Wena Dalagan, kung saan nakatakda na aniyang magsampa ng kasong grave misconduct ang BuCor laban sa mga ito.
Kabilang sa mga kontrabandong tinangkang ipasok ng mga nasabing pulis ang cellphone, alak at tobako.
Ayon kay Dalagan, sa oras na mapatunayan na ang mga naturang kontrabando ay ibinebenta ng mga ito sa loob ng piitan ay agad nila itong sasampahan ng reklamo at tatanggalin sa serbisyo.
Gayuman, nilinaw rin naman ni Dalagan na kung sakaling lumabas na ang mga nasabing kontrabando ay para sa personal consumption ng mga ito ay mahaharap pa rin ang mga ito sa reklamo.
Paliwanag ni Dalagan, mahigpit kasing ipinababawal ang cellphone sa loob ng bilangguan habang nasa custodial at escorting function ang mga pulis.
Sa ngayon, sinabi ni Dalagan na nakatakda na nilang isumite sa Philippine National Police (PNP) ang resulta ng kanilang ikinasang imbestigasyon.