Matatapos na bukas, Sabado, ika-22 ng Pebrero, ang mandatory quarantine ng 49 na Pilipinong inilikas mula sa Wuhan City, China.
Ayon kay Department of Health (DOH) secretary Francisco Duque III, magkakaroon ng isang simpleng seremonyas bukas upang mabigyan ang mga ito ng quarantine clearance certificate.
Tiwala naman si Duque na makakatapos ng 14-day mandatory quarantine bukas ang 49 na Pilipino nang walang nagpopositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Samantala, tiniyak rin ng kalihim na sandaling makalabas na ang mga ito sa New Clark City sa Capas, Tarlac ay maaari na silang bumalik sa kanilang mga lugar at ipagpatuloy ang pang-araw-araw nilang pamumuhay.