Nilinaw ng Department of Justice o DOJ na pasamantala lamang ang pagbabawal ng Bureau of Corrections (BuCor) sa pag-tanggap ng dalaw para sa mga bilanggo.
Ito ay kasunod ng inilabas na kautusan ni BuCor Director General Nicanor Faeldon kung saan sinuspindi nito ang visiting privileges at recreational activities sa pitong penal colonies sa bansa kabilang na ang New Bilibid Prison (NBP).
Paliwanag ni Faeldon, ito ay dahil sa patuloy na pagkakadiskubre ng mga kontrabando mula sa mga preso.
Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pansamantala lamang ang kanselasyon sa mga pribilehiyo ng mga bilanggo.
Aniya, ang hakbang na ito ay upang mabigyan din ng panahon ang BuCor para paigtingin ang operasyon nito laban sa mga kontrabando at iba pang iligal na bagay sa mga bilangguan.
Kaugnay nito, maraming mga kapamilya ng preso sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang nagalit matapos na malaman na pansamantalang ipinagbawal na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga pribilehiyo kabilang ang pagtanggap ng bisita sa pitong penal colony sa buong bansa.
Nagulat na lamang ang mga ito dahil hindi na sila pinapasok sa NBP para makita ang kanilang kaanak gayong galing pa sila sa mga probinsya.
Umapela ang mga pamilya sa pamunuan ng NBP na sana ay magbigay ng konsiderasyon sa kanilang mga nanggagaling pa sa malayong lugar.
Matatandaang pansamantalang tinanggal ang mga pribilehiyo ng mga bilanggo kasunod ng patuloy na pagkakadiskubre ng mga kontrabado sa loob ng kulungan.
Nanawagan naman ang Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na iayos ang problema sa jail management sa halip na tanggalin ang pribilehiyo ng mga inmates.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline de Guia, dapat na iayos ng Bureau of Corrections ang kanilang mga proseso at mga tauhan upang walang maiwasan ang sabwatan sa loob.
Ipinalala ni De Guia na ang layon ng kulungan ay mabago ang mga preso habang pinapapanatili ang kanilang dignidad at hindi sa karahasan at hindi makataong pamamaraan.—Rianne Briones
—-